Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang natanggap na intelligence report hinggil umano’y plano ng mga komunistang grupo at front organizations na ipahiya si President-elect Ferdinand Marcos Jr sa mismong araw ng kaniyang inagurasyon sa Hunyo 30.
Ginawa ni DILG Undersecretary and National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) spokesperson Jonathan Malaya ang naturang pahayag kasunod ng rebelasyon ng dating cadres ng CPP-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) hinggil sa plano ng grupo na guluhin ang nakatakdang panunumpa niMarcos.
Sa press briefing na inorganisa ng NTF ELCAC nitong Lunes, sinabi ng dating mga rebelde na sina Ka Warly” Baluyot, chairman ngayon ng Tinang Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative, at Ka Pong Sibayan, magsasaka mula sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac na sinimulan na ng makakaliwang grupo ang pag-mobilize sa mga magsasaka sa kanilang probinsiya para sa naturang plano.
Sa kabila nito, tiniyak ng ahensiya na nakahanda sila sa naturang pagbabanta.
Sinabi ni Malaya na kanilang siniseryoso ang natanggap na intelligence report kasama na ang attached agencies nito ang Philippine National Police (PNP) at kanilang gagawin ang lahat ng kaukulang aksyon para mapigilan ang ganitong pagtatangka na ipahiya o i-discredit ang nalalapit na inagurasyon ni Marcos Jr.
Nasa 6,200 PNP personnel ang ipapakalat para magmonitor sa key areas malapit sa National Museum.
Subalit ayon kay Malaya, ang naturang plano ng mga rebelde ay hindi na nakakagulat dahil hayagan na aniya ang mga grupong ito na maibagsak ang gobyerno.
Liban pa dito, nakatutok din ang DILG kaugnay sa claim ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na ilang grupo sa America at Pilipinas ang nagpaplano na pahiyain si Marcos.