-- Advertisements --

Kolntento umano si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa mga isinagawang hakbang ng mga local chief executives sa pagresponde sa bagyong Ulysses sa kabila ng mga natatanggap na kritisismo.

Ayon sa kalihim “okay” naman ang preparasyon at ang pagresponde ng mga LGUs sa kalamidad subalit sadyang mabilis ang pagtaas ng tubig na umabot sa alarming level.

Sinabi ng kalihim, ginawa ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang lahat nitong makakaya, pero talagang hindi mapigilan ang hagupit ng kalikasan.

Binigyang-diin ni Año na sapat ang ginawang paghahanda ng NDRRMC at lahat ng precautionary measures ay ginawa bago pa man humagupit ang bagyong Ulysses sa kabila ng naitalang 14 na fatalities at tatlo ang nawawala.

Ipinaliwanag naman ni Año kung bakit magkaiba ang datos ng NDRRMC at ng local government units.

Iniulat din ng kalihim na sa 102,439 apektadong pamilya o nasa 345,119 indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Dagdag pa ni Año, accounted ang lahat ng mga mayors noong panahon ng kalamidad, ibig sabihin 99 percent sa mga local chief executives ang personal na nag-supervise sa disaster response ng kani-kanilang mga bayan.

“So they are all accounted for and established their local disaster risk reduction and management councils, established their local emergency operation centers and activated their disaster emergency response teams,” pahayag ni Año.