Target ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na gawing Disiplina Muna Ambassadors ang mga local government units sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay DILG spokesperson at Usec. Jonathan Malaya sinabi nito na nakatakda silang maglibot sa mga LGUs sa buong bansa para gawing Disiplina Muna Ambassadors ang mga local executives.
Una nang isinagawa ang ceremonial launching ng Disiplina Muna sa City Hall ng Maynila.
May bumabatikos kasi na bakit si Mayor Isko ng Maynila ang napili ng DILG na nasa medium compliance lamang ang Manila sa inilabas na assessment ng ahensiya sa road clearing operations.
Paliwanag ni Malaya, ang dahilan bakit sa Maynila isinagawa ang launching ng Disiplina Muna campaign ay dahil ito ang capital ng Pilipinas kaya symbolic kung dito gagawin.
Ayon pa kay Malaya si Mayor Isko ang unang alkalde na gagawin nilang Disiplina Muna ambassador.
Subalit kinikilala rin ng DILG ang iba pang mga LGUs na una nang nag-initiate ng road clearing operations.
Naniniwala kasi ang DILG na malaking bagay ang Disiplina Muna project para maging matagumpay ang kanilang mga programa hindi lamang ang road clearing kundi maging ang cleanup sa Boracay at Manila Bay.
“Manila is the capital of the PH so it was just symbolic that we held it there. Mayor Isko is the first of many mayors that we will make into DisiplinaMuna ambassadors. We will go to other LGUs and make them #DisiplinaMuna Ambassadors din,” ani Usec, Malaya.