Magpapakalat pa ng karagdagang mga pulis ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilang mga siyudad sa Metro Manila upang umalalay sa paglilinis ng mga kalsada mula sa mga illegal vendors.
Kahapon nang maglabas ng memorandum circular ang kagawaran na nag-uutos sa lahat ng mga alkalde na bawiin ang mga bangketa at pampublikong kalsada na pribadong nagagamit ng iilan.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, handa silang magdagdag ng mga pulis sa ilang malalaking lungsod gaya ng Quezon City upang tiyaking walang maiiwan.
Maliban aniya sa Quezon City, nahaharap din sa umano’y napakaraming pagsubok ang mga lungsod ng Pasay at Caloocan.
Dagdag pa ng kalihim, magiging tungkulin naman ng mga barangay chairman ang pagpapanatili sa kalinisan ng mga kalsada matapos ang clearing operations.
Babala naman ni Año, paparusahan nito ang mga pasaway na barangay captain na lalabag sa direktiba.