-- Advertisements --

VIGAN CITY – Maaari na umanong i-download ng mga botante na may reklamo hinggil sa pinaniniwalaang vote buying na nagaganap sa kani-kanilang lugar ang template na inihanda ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DILG spokesman- Undersecretary Jonathan Malaya na tanging mga verified complaint lamang ang inaaksyunan ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa mga nasabing klase ng reklamo kaya naisipan nilang gumawa na lamang ng template para iisa ang form na gagamitin ng mga magrereklamo na may kaugnayan sa vote buying.

Ayon kay Malaya, hindi umano electoral protest ang isyu sa vote buying kundi isang criminal case kaya marapat lamang na dumaan sa tamang proseso upang hindi masayang ang oras ng DILG at ng mga nagrereklamong concerned citizen.

Ikinalulungkot din umano ng DILG na tila naging tradisyon na tuwing halalan dito sa bansa ang paglaganap ng vote buying na hindi maganda sa imahe ng gobiyerno.

Binigyang-diin ng opisyal na ang opisyal umano na mapapatunayang guilty sa vote buying ay maaaring madiswalipika sa halalan o maaaring matanggal sa puwesto kapag nakaupo o nakapanumpa na ito sa kaniyang posisyon.