-- Advertisements --

Dumipensa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa mga natatanggap nilang batikos tungkol sa polisiya sa paglalagay ng barrier sa motorsiklo.

Kasunod ito sa mga nag-viral na insidente na dahil umano sa naturang barrier habang nasa kalsada.

Sa isang press briefing, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na walang naitatalang aksidente ang mga gumagamit nito sa lalawigan ng Bohol.

Aniya, ang mga insidente na nangyayari ay dahil sa maling disenyo at gawa ng hindi akmang marteyales na dapat ay acrylic.

“Inimbestigahan po namin and lumalabas po na faulty po ang ginagamit na barrier dahil may mga nagba-viral na diumano may nagkaka-aksidente,” wika ni Malaya.

Samantala, hinimok naman ni Malaya ang publiko na magsumite ng sarili nilang disenyo ng barrier.

“Bukas po tayo sa ibang disenyo. Kung hindi sila sang-ayon magsumite sila ng disenyo. Naninindigan po ang NTF (National Task Force) na kailangan ang barrier dahil ang physical distancing [kailangan],” ani Malaya.

Una nang itinakda ang paglalagay ng barriers sa motorsiklo hanggang Hulyo 31.