Pagpapaliwanagin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na hindi pa makukumpleto ang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ngayong araw.
Ngayong Abril 30 kasi ang deadline ng pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).
Aminado si DILG Sec. Eduardo Año na hindi biro ang pamamahagi ng cash assistance dahil sa dami ng target beneficiaries.
Katunayan sa kanyang pakikipag-usap sa mga alkalde ng Metro Manila, inihayag ni Año na mahigit sa 70% na ang distribusyon sa National Capital Region.
Inihayag ng kalihim na malaking problema ng mga mayors ay ang paninigurado na hindi nila malalabag ang social distancing, lalo na sa mga lungsod ng Maynila, Pasay, at sa Quezon City na malalaki ang populasyon.
Anang opisyal, hindi raw applicable sa sitwasyon ang mala-military style na pangangasiwa dahil sa napakaraming bagay ang kailangang ikonsidera.
Pero paalala ni Año, dapat na matapos ngayong araw ang pamamahagi ng cash assistance, at kung hindi matapos ay kanilang titingnan kung ano ang nangyari.