Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga lalabag sa suspensiyon ng operasyon ng e-sabong.
Ayon kay DILG Undersecretary and spokesperson Jonathan Malaya, itinuturing na bilang iligal kung ipagpapatuloy ang operasyon ng e-sabong kung saan maaaring maaaresto ang mga lalabag at maaaring makasuhan sa korte.
Kahapon nang tuluyang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil ng online sabong operation alinsunod sa rekomendasyon ni DILG Secretary Eduardo Año dahil sa “social cost” nito sa mga Pilipino.
Ayon kay Malaya, sinimulan din agad kahapon ang pagpapasara ng lahat ng e-sabong.
Ang mga manlalaro aniya na apektado ng pagsasara ng e-sabong operations ay maaaring bumalik sa tradisyunal na sabong na pinapayagan sa ilalim ng Alert level 1 ngunit kailangan ng permit mula sa local government unit.
Tinatayang nasa 5 million ang e-sabong players sa buong bansa ayon kay Malaya.
Paliwanag ni Malaya, mas pinipili nila ang pagkakaroon ng traditional sabong dahil ito ay isinasagawa sa partikular na panahon at kadalasang sa araw ng Linggo o sa holiday.