-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay officials na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-endorso o pangangampanya ng mga ito para sa kahit na sinong tumatakbong kandidato para sa darating halalan.

Sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño na malinaw na nakasaad ito sa ilalim ng Omnibus Election Code na muling pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) at Civil Service Commission (CSC) sa pamamagitan ng iba’t-ibang kautusan.

Ang sinuman aniyang opisyal ng barangay na mapatunayang lumagbag sa naturang kautusan sa pamamagitan ng mga ebidensya tulad ng video o litrato ng mga ito na hayagang nangangampanya para sa mga kandidato ay mahaharap sa suspensyon o matatanggalan ng karapatan sa kanilang panunungkulan.

Samantala, binanggit naman ni Diño na exempted sa naturang panuntunan ng Comelec at CSC laban sa non-partisan ang mga mas mataas na national at local officials.

Maaari pa rin naman na bumoto, magpahayag ng kanilang mga pananaw at opinyon, at magbanggit ng pangalan ng mga napupusuang kandidato ang mga civil servant hangga’t hindi nila ginagamit ito para humingi ng suporta para sa sinumang kandidato o partido sa panahon kampanya.