Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na maaaring maharap sa sanctions ang barangay officials na lumalahok sa pangangalap ng mga pirma para sa people’s initiative upang amyendahan ang Saligang Batas kung saan halos lahat na umano ng mga congressional district sa buong bansa ay nagsagawa na ng naturang inisyatiba.
Ayon kay DILG undersecretary Felicito Valmocina, kanila pang biniberipika ang mga impormasyon na ilang barangay officials ang sangkot sa signature campaign subalit sa ngayon ay wala pa aniyang inihaing reklamo.
Hindi din aniya dapat gamitin ang mga barangay hall para sa nasabing inisyatiba.
Ginawa ng DILG official ang naturang babala kasunod ng paglaganap ng signature campaign sa buong bansa na kumakalap ng suporta mula sa publiko para sa people’s initiative para baguhin ang konstitusyon.
Una rito, nanawagan si House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list representative France Castro para siyasatin ang naturang kampaniya matapos mapaulat ang umano’y signature buying at pamamahagi ng government aid at mga regalo.
Nauna na ring naghain si Senador Imee Marcos ng resolusyon na humihiling ng i-review sa Senado ang efficacy ng Republic Act 6735, isang batas na nagbibigay ng isang sistema ng people’s initiative at referendum sa gitna nga ng mga naiulat na pagsisikap para makangalap ng mga lagda upang itulak ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.