-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pangungunahan umano ng tanggapan ng Undersecretary for Barangay Affairs ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsasampa ng kaso at pagpapasuspinde sa mga barangay chairman na hindi makakapagpatupad at makakapagmantina ng road clearing operations sa kanilang lugar.

Ito ang tiniyak sa Bombo Radyo Vigan ni Usec. Martin Diño kaugnay sa panibagong memorandum circular ng DILG na may kaugnayan sa version 2.0 ng road clearing operations na tatagal sa loob ng 75 na araw.

Ayon kay Diño, kailangan umanong mapanatili ng mga nakaupong barangay chairman ang malinis na bangket o gilid ng kalsada sa kanilang mga lugar na nasasakupan laban sa mga iligal na nagpaparking at mga illegal sidewalk vendors.

Aniya, hindi umano siya magdadalawang-isip na magsampa ng kaso laban sa mga nasabing opisyal at ipatanggal sila sa puwesto kung mapatunayang sila ay nagpabaya sa kanilang trabaho.

Kasabay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na maging mapagmatyag at kaagad na ireport sa kanila kung hindi sumusunod sa nasabing direktiba ang mga barangay officials sa kanilang lugar.