Kinilala ng Department of Interior and Local Government ang naging kontribusyon ng mga tauhan ng Philippine National Police sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pagdiriwang ng Pasko.
Ginawa mismo ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang naturang pahayag kasunod nang naitalang zero untoward incident ng pulisya sa kabuuan ng pagsalubong sa Kapaskuhan.
Una nang nagpakalat ng nasa 40,000 na tauhan ang PNP sa mga estratehikong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Hinimok rin ng kalihim ang Pambansang Pulisya na panatiliin ang pagpapairal nito ng heightened security measures matapos ang naging unang deklarasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) na hindi ito magdedeklara ng
holiday ceasefire laban sa mga tropa ng pamahalaan.
Nagpaabot rin ito ng buong suporta sa PNP at Armed Forces of the Philippines dahil sa hakbang ng mga ito na huwag magdeklara ng Suspension of Offensive Police Operations at Suspension of Offensive Military Operations.
Layon ng hakbang na ito na matiyak ang mapayapang lugar sa anumang bahagi ng Pilipinas ngayong holiday season.