-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpaliwanag ang Hugpong Federal Movement of the Philippines sa inilabas na advisory ng Department of Interior and Local Government (DILG) Central Office at pinabulaanan ang akusasyon na ginagamit nila ang logo ng ahensiya sa recruitmen at pangongolekta umano ng pera mula sa kanilang mga myembro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mr. Vergilio Roy Dela Cruz, Natl. Vice Chairman ng Hugpong Federal Movement of the Philippines na walang katotohanan ang nasabing balita.

Ayon kay Dela Cruz, naging kapartner nila noon ang DILG matapos silang kilalanin bilang accredited na Civil Society Organization ngunit dahil umano sa nakita nilang kakulangan ng ahensiya sa pagsulong sa Federalismo kaya’t kumalas sila at nagpatuloy sa kanilang advocacy sa pagsulong ng gobyerno pederal na may gabay din umano mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngunit ipinagdiinan ni Dela Cruz na hindi sila nangongolekta ng pera gaya ng inilabas na advisory ng DILG kundi may ibang mga tao umano na nagpapakilalang mga kasapi ng kanilang grupo na ginagamit lamang ang pangalan para sa pansariling interes.

Kaya’t nanawagan ito sa lahat na huwag basta maniwala sa mga taong nangongolekta ng pera gamit ang kanilang grupo.