-- Advertisements --

Nilinaw ng Management of the Dead and Missing (MDM) Unit ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kalituhan sa tila magkakasalungat na datos ng mga nasawi at nawawalang indibidwal sa Masara landslide sa Davao de Oro, dalawang linggo na ang nakakalipas.

Base sa inilabas na datos ng lokal na pamahalaan ng Maco noong Pebrero 15, ang bilang ng narekober na bangkay mula sa landslide site ay nasa 92 habang 36 naman ang nawawala.

Subalit makalipas ang 24 oras, biglang bumaba ang bilang ng mga nawawalang indibidwal mula sa 36 sa 18 subalit ang bilang ng mga narekober na katawan ng mga biktima ay tumaas lamang ng 4 kayat naging 96 na ang death toll.

Paliwanag dito ni MDM Unit spokesperson Lea Añora na ang mga pagbabago sa bilang ng nawawalang mga indibidwal ay maiuugnay sa mabilis na post-mortem examination ng National Bureau of Investigation – Disaster Victim Identification (NBI-DVI).

Sa oras na matukoy na ng pamilya ng mga biktima ang mga nawawalang indibidwal, sinabi ng opisyal na agad nilang tatanggalin ang mga ito mula sa listahan ng mga nawawala.

Dagdag pa ng opisyal na ang listahan ng mga missing persons ay base sa police blotter.

Samantala, noong Pebrero 17 naman iniulat ng lokal na pamahalaan ng Maco na ang bilang ng mga nawawalang indibidwal ay 9 habang ang bilang na ng nasawi ay sumampa sa 98.

Sa sumunod na araw, ang bilang ng mga nawawalang indibidwal ay bumaba sa 8 subalit nananatili sa 98 ang namatay dahil sa landslide.

Karamihan sa mga nasawi ay mga manggagawa ng Apex Mining Company Inc.