Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pinapahintulutan ng batas ang pagpapahayag ng isang barangay official sa kung sino ang mga kandidatong kanyang sinusuportahan, subalit hindi raw pinapayagan ang hayagang pangangampanya ng mga ito sa isang kandidato.
Ginawa ni Interior Undersecretary Epimaco Densing III ngayong Linggo matapos na ihain ng DILG sa COMELEC ang reklamo laban sa 52 barangay officials na umano’y sangkot sa partisan politics sa campaign period para sa 2019 midterm elections.
Sa isang panayam, iginiit ni Densing na alinsunod sa isang joint circular sa pagitan ng COMELEC at ng Civil Service Commission, tanging ang Pangulo at Bise Presidente at iba pang elective officials, hindi kabilang ang barangay officials, ang pinapahintulutang mangampanya para sa mga kandidato sa halalan.
“Ang term doon, bawal sila ikampanya nang lantaran. In fact, pinapayagan naman silang makisawsaw sa issues tuwing kampanya. Ina-allow din silang magsalita kung sino ang preferred candidate, pinapayagan din sila sa social media,” saad ni Densing.
Noong Biyernes ng nakaraang linggo, ipinagbigay alam na ng DILG sa COMELEC ang plano nilang maghain ng reklamo laban sa mga incumbent barangay at Sangguniang Kabataan officials na aktibong nangangampanya sa mga kandidato para sa midterm elections.
Ito ay matapos namang makatanggap ang DILG ng mahigit 700 reklamo laban sa mga local officials mula sa mga ordinaryong mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.