-- Advertisements --

Planong kausapin at pagpaliwanagin ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Cebu matapos na maglabas ng panukala ang gobernador nito na nagpapahintulot sa pagpapasok ng mga hindi pa bakunadong mga foreign travelers sa bansa sa pamamagitan ng Macta-Cebu International Airport (MCIA).

Ito ay sa kabila ng inilabas na patakaran ng Inter-Agency Task Force na tanging mga foreign nationals na makakapagpakita ng proof of full vaccination kontra COVID-19 ang mapapayagang makapasok sa Pilipinas.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, hindi niya alam kung ang Cebu province ba ay kumonsulta muna sa regional o central office ng DILG hinggil sa pinakabagong polisiya nito.

Hindi aniya ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng kaparehong suliranin dahil nangyari na aniya ito noong nakaraan na agad naman aniyang naresolba ng maayos sa Cebu.

Dahil dito ay muling makikipag-dayalogo ang kagawaran sa nasabing probinsya nang sa gayon ay muli itong tumalima sa mga patakaran ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Malaya na hindi maaaring baliin ng mga local na pamahalaan ang national policies na ipinatutupad laban sa COVID-19, maliban na lamang kung ang mga polisiyang ito ay hindi malinaw o kung pahihitulutan silang magpatupad ng iba pang mga patakaran.

Magugunita na una nang inutusan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Cebu na sumunod ito sa IATF protocols matapos na payagan ng lokal na pamahalaan nito ang pagsasagawa ng COVID-19 testing sa mga pasaherong kakarating pa lamang sa airport kahit na sa ika-7 araw ng kanilang quarantine pa ito nire-require ng gobyerno.