-- Advertisements --
image 539

Naghahanap ng mas malaking budget ang Department of the Interior and Local Government para sa mas maraming police recruits at mas mahihigpit na batas partikular na sa pagbili ng sasakyan upang mahinto ang high profile slay attempts sa mga pulitiko.

Una ng nagpatawag si Speaker Martin Romualdez ng pulong kina ang Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. matapos masugatan si Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. sa isang ambush noong Pebrero 17.

Makalipas ang dalawang araw, napatay si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at 5 iba pa sa isang pag-atake sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Isa pang lokal na opisyal naman na si Mayor Ohto Montawal, ang nasugatan din sa isang ambush noong Pebrero 22.

Ayon kay Abalos, nire-rebisa na ngayon ng Philippine National Police ang kanilang threat assessments para sa mga lokal na opisyal sa buong bansa.

Sinabi rin ng opisyal na ni-reshuffle na nila ang ilang pulis sa mga lugar kung saan mas kailangan ang kanilang tactical skills.

Dagdag dito, taun-taon umano ay mayroong 10,000 na bagong mga police recruits ngunit nang dahil sa pandemya, ay mayroon lamang 1,000 na na-recruit.

Hiniling din ni Abalos sa mga kongresista na tingnan ang paghihigpit sa mga batas na namamahala sa pagbili ng sasakyan na kung saan, ginagamit aniya sa mga pang-aambush ng mga personalidad at mga pulitiko.

Liban nito, sinabi rin ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na paiigtingin nila ang kanilang kampanya laban sa loose firerams.