Naabisuhan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga alkalde sa mga lugar kung saan ipinatutupad ang Lockdown na huwag nang magpatupad ng “window hour” sa kanilang mga kababayan.
Ang nasabing direktiba ay inilabas ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Ikinagulat naman ng mga Alkalde mula sa 14 na bayan sa Batangas ang kautusan na itigil na ang pagbibigay ng window hours sa mga lugar na umiiral ang lockdown.
Layon nito para maiwasan ang pagkakaroon ng casualty sa sandaling mag-alburutong muli ang bulkang Taal.
Sinabi ng Kalihim na mananatili ang Lockdown hangga’t hindi ibinababa ng PHIVOLCS ang kasalukuyang ALERT Level 4 sa bulkan.
Giit ni Año, bagama’t masakit na isakripisyo ang buhay ng mga alagang hayop, mas malaking kargo naman aniya kung ang buhay ng mismong mga amo nito ang malagay naman sa panganib.
Para naman masiguro na walang makalulusot na residente may nag-iikot na mobile patrol ng PNP sa mga lockdown areas na siyang susuyod sa mga kabahayan.
Magugunitang umaalma si Talisay City Vice Mayor Charlie Natanauan sa ipinatutupad na lockdown dahil sa kaniyang paniniwalang tapos na ang pag-aalburuto ng bulkan.
Apela naman ni Police Regional Office 4-A Director P/BGen. Vicente Danao kay Natanauan na huwag nang udyukan ang kaniyang mga kababayan na suwayin ang mga awtoridad sa halip ay tumulong na lamang.
Nagbanta pa si Danao na sakaling magmatigas aniya si Natanauan ay siya na mismo ang mag-aalay dito sa bunganga ng bulkang Taal kapag nakita pa niya itong buhay.