LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi papabayaan na maapektuhan ang public service sa Batuan, Masbate kaugnay ng pagkamatay ni acting Mayor Charlie Yuson III sa pananambang sa Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DILG Bicol Director Atty. Anthony Nuyda, hinihintay pa sa ngayon ang report ng provincial director sa Masbate lalo pa at hindi mahagilap si duly-elected Mayor Charmax Jan na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Subalit base umano sa rule of succession sa pagkamatay ng acting mayor, papalitan ito sa puwesto ng acting vice mayor habang ang second councilor ang magiging acting vice mayor.
Sa mababakanteng posisyon sa baba, magdedesisyon na lang umano ang bumakante sa pwesto kung sino ang papalit sa kanya.
Maalalang mismong ang DILG ang nag-utos sa pag-upo ni Vice Mayor Yuson bilang acting mayor, dalawang buwan na ang nakakalipas ng hindi na magpakita pa si Mayor Charmax.