-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga usapin na mayroon nang bagong talaga na officer-in-charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP) bago pa man ang retirement ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos sa susunod na buwan.

Sa isang statement, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ito ay fake news at iginiit na hindi pa itinatalaga sa panunungkulan bilang OIC ng PNP si PNP deputy chief for administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia.

Samantala, sinabi naman ni Carlos na sa ngayon ay wala pang naman siyang natatanggap na anumang kautusan hinggil sa kanyang pagbaba sa pwesto.

Matatandaan na una rito ay sinabi na rin ni Año na posibleng pahabain pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termino ni Carlos bilang hepe ng PNP.