Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga local government units (LGUs) na gumawa ng listahan ng mga hindi nabahagian ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, mabibigyan umano ng ayuda ang mga pamilyang mapapasama sa listahan basta’t kwalipikado sila sa panuntunan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagbigay din ng palugit na hanggang Mayo 21 ang kalihim sa mga LGUs para isumite ang pangalan ng mga benepisyaryo sa DILG at sa DSWD.
“’Wag po kayong mag-alala, tutulungan po kayo ng ating pamahalaan. We are giving the LGUs three days to submit their initial list to us in DILG and to the DSWD which in turn will validate that list,” wika ng kalihim.
Sinabi ni Año, ang mga “left-out o waitlisted households” ay mga low-income na pamilya na hindi recipient ng alinmang conditional cash transfer at hindi rin kasama sa inisyal na 18-milyong households na nakinabang sa unang tranche ng SAP.
Nilinaw naman ni Año na dadaan pa sa validation ng DSWD ang nasabing listahan.
Kasabay nito, nagbabala si Año sa mga opisyal ng barangay na hindi nila sasantuhin ang mga ito sakaling dayain nila ang listahan.
“Muli, barangay ang makakatuwang natin dito sa pagbuo ng listahan na ito. Binabalaan ko muli ang ating mga barangay officials na hindi namin sasantuhin ang mga mandaraya rito at maging sa pamimigay ng 2nd tranche ng SAP,” ani Año.