-- Advertisements --
DILD EDUARDO ANO
DILG SEC ANO

Ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga alkalde na kanselahin o ipawalang-bisa na ang business permit ng KAPA Community Ministry International Inc. upang ilayo ang publiko sa paglagak ng kanilang pinaghirapang pera sa mapalinlang na investment scheme.

Ang nasabing direktiba ay inilabas ni Interior Sec. Eduardo Año batay sa inilabas nitong memorandum noong Hunyo 13 matapos bawiin ng SEC ang certificate of registration ng KAPA at ma-secure ang higit P100-milyong mga asset nito sa pamamagitan ng asset freeze order na ipinalabas naman ng Court of Appeals.

Malinaw sa memorandum na inilabas ni Sec Año sa mga mayors na ipinatitigil na ang pagbibigay ng business permit sa KAPA, maging sa mga subsidiaries nito, mga organisasyon at maging ang lahat ng aplikasyon para sa permit ng grupo.

Una rito, ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng KAPA.

Pinaalalahanan naman ni Año ang publiko na maging mapanuri sa kaduda-dudang mga investment na nangangako nang malaking porsiyento na kita.