-- Advertisements --
Malaya
USec Malaya

Pinatitiyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na hindi na makapambiktima pa ang mga naglilipanang mga investment scam sa bansa lalo na ang KAPA na sangkot sa pyramiding scheme.

Ayon kay DILG Spokesperson USec Jonathan Malaya, partikular na pinatututukan ni Secretary Eduardo Año sa pulisua ang mga bagong nagsusulputang grupo o kumpanya na ang layon nito makapanloko ng kapwa.

Ayon kay Malaya, ang direktiba ni DILG Sec Eduardo Año sa PNP ay kasunod sa direktiba ng Pang. Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng KAPA.

Umapela naman ang DILG sa publiko na kapag may mga impormasyon sila ukol sa mga investment scam agad na ipagbigay alam sa PNP ng sa gayon agad itong maimbestigahan.

Bukod sa PNP, ipinag utos din ni Sec Año sa mga alkalde na kanselahin at itigil na ang pagbibigay ng business permit sa KAPA.

Mahaharap sa patung patong na kaso ang mga local chief executives kapag hindi nito sinunod ang inilabas na memorandum ni Sec Año.

Sa kabilang dako, ayon kay PNP chief PGen. Oscar Albayalde ipinauubaya na nila sa NBI ang kaso ng KAPA.

Habang ang PNP ay tututukan ang iba pang mga investment scam na nag ooperate sa bansa.

Ayon kay Albayalde apat na investment companies ang sinalakay ng PNP CIDG kamakailan lamang.

Ito ay ang mga sumusunod: ORGANICO, REGIN E, ADA FARM, EVER ARM.

Aniya, karamihan ng mga ito ay nasa Mindanao ang operation gaya ng KAPA Community Ministry International.