Kinumpirma na rin ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsibak sa tatlong matataas na opisyal ng Police Regional Office-12 (PRO-12) o sa Soccsksargen area dahil sa pagkakasangkot sa P2 billion investment scam.
Una nang iniulat kahapon ng Bombo Radyo GenSan ang pagkakatanggal sa puwesto kina Police Col. Raul Supiter ang hepe ng General Santos City at iba pa.
Kinumpirma naman ngayon ni DILG spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya na mismong si Interior Secretary Eduardo Año ang nag-utos para sa agarang pag-relieve sa puwesto kina Supiter, Police Col. Manuel M. Lukban Jr., chief ng PRO-12 directorial staff at si Police Lt. Col. Henry P. Biñas.
Ayon kay Malaya, ang hakbang ng DILG ay upang maiwasan ang posibleng pakikialam at impluwensya ng nasabing mga opisyal habang isinasagawa ang formal investigation sa tinaguriang Police Paluwagan Movement (PPM) investment scam.
Nabulgar umano na may kinamalan daw ang tatlong mga opisyal at ilang uniformed and non-uniformed personnel sa General Santos City Police Office sa operasyon ng paluwagan.
Sinasabing nakarating sa pamunuan ng DILG at PNP ang initial report mula umano kay PRO-12 director Police Brig. Gen. Elisio Rasco, na ang PPM investment scam ay marami nang naging bigtima sa rehiyon maging ang ilang mga huwes, prosecutors, negosyante at mga ordinaryong mga residente.
Nang-eengganyo raw kasi ang PPM na nag-aalok ng 60 percent interest rate kada 15 araw mula sa pera na na-invest ng mga biktima.
“Ako’y nababahala sa balitang ito. Mga pulis, kabilang ang ilang matataas na ranggong pulis, ang umano’y nagpapatakbo ng investment scam. Inaatasan ko si PNP Chief Albayalde at ang CIDG na agad itong imbestigahan at aksyunan nang wala nang mabiktima pa at para managot ang maysala sa batas,†ani statement ni Sec. Año.