Tututukan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang huling anim na buwan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto, ang kampanya laban sa anti-criminality, terrorism, Covid-19 response at disaster preparedness.
Sa isang talumpati, sinabi ni Secretary Eduardo Año, sa susunod na anim na buwan ipapakita ng Departamento kung paano nila nailatag ang kanilang cornerstones sa peace and order, public safety at good governance na resulta mula sa ibat ibang inisyatibo gaya ng paglaban sa illegal drugs, criminality, insurgency, and terrorism.
Sinabi ni Ano, mahalaga ang suporta ng publiko at maging ng mga civil society sa kanilang kampaniya na napatunayan na rin dahil sa nagdaang taon mas maraming mga lugar na ang idiniklarang drug-cleared, communist-free areas at mas ligtas na mga barangays sa buong bansa.
Ayon sa kalihim, kailangang ipagpatuloy at pagtibayin ang pundasyon ng mga programa para mapanatiling ligtas at malaya ang mga komunidad.
Inihayag din ni Sec. Ano, na top priority ng ahensiya ngayon ang labanan ang Covid-19 lalo at may banta ngayon ng Omicron variant.
Aniya, marami ng sinakripisyo sa mga nagdaang taon dahil sa pandemya kaya hindi dapat na magkumpiyansa ngayon.
Iniutos din ni Ano sa mga LGUs na bilisan ang vaccination sa kanilang mga constituents lalo na ang pagbibigay ng booster shots.
Pinaghahanda rin ng kalihim ang mga LGUs sa gagawing pagbabakuna sa mga batang may edad 5 years old hanggang 11 years old.
Siniguro naman ni Ano na ipagpapatuloy pa rin ng DILG na palakasin ang capacities ng mga LGUs sa disaster risk reduction and management at siguraduhing sumusunod ang mga ito sa Operation Listo protocols.
Dahil sa nalalapit na ang halalan, pina-alalahanan ni Ano ang kaniyang mga opisyal at personnel na manatiling non-partisan at propesyunal at huwag magpapadala sa mga pulitika at temptations na may vested interests.