Ipinag-utos ng DILG sa mga lokal na pamahalaan at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapaigting ng pagpapatupad ng health protocols sa Metro Manila kasabay ng pilot implementation ng quarantine status sa Alert level 4 system simula ngayong araw, Setyembre 16 hanggang 30.
Kaugnay nito, inatasan ni Interior Secretary Eduardo Año ang LGU at ng NCRPO na i-reactivate ang kanilang task force disiplina, barangay disiplina brigades, force multipliers at police marshals para maiwasan ang pagdaraos ng mga ipinagbabawal na mga aktibidad.
Bagamat mas marami na aniyang aktibidad ang pinayagan sa ilalim ng bagong alert level status sa Metro Manila, ipinagbabawal pa rin sa ilalim ng Alert Level 4 ang social events kabilang na ang pagsasagawa ng parties, wedding receptions, debuts, birthday, family reunion, parade, motorcades at pagtitipon-tipon sa private residence na hindi miyembro ng immediate household.
Inatasan din ang mga punong barangay at chiefs of police na istriktong i-monitor ang lahat ng aktibidad ng kanilang nasasakupan para matiyak na nasusunod ang bagong guidelines.
Nagbabala rin ang kalihim sa ipapataw na sanction sa mga opisyal na hindi magpapatupad ng regulasyon.
Sa ilalim ng Alert Level 4, hindi pinapayagang lumabas ang mga edad 18 pababa at 65-anyos pataas, may comorbidities, immunocompromised o may ibang nasa health risk at pregnant women maliban na lamang kung lalabas para bumili ng essential goods o papasok sa trabaho o industriya na pinayagang mag-operate.