GENERAL SANTOS CITY – Naglabas ng panibagong advisory ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGU’s), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) upang ipatupad na ang inilabas na cease and desist order (CDO) ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Kabus Padatuon o KAPA Community Ministry International Inc.
Batay ito sa latest advisory ng naturang ahensiya na may petsang Mayo 2, 2019 na pirmado mismo ni DILG Sec. Eduardo Año.
Laman nito na dapat ang mga regional directors at field offices ng DILG kasama na ang mga LGU’s at PNP ang magpapatupad ng naturang utos.
Matatandaang noong Pebrero 14 nitong taon nang mag-isyu ang SEC en banc ng CDO laban sa KAPA upang utusan ito pati ang mga nasa likod ng nasabing investment scam na pinangungunahan ng isang Pastor Joel Apolinario, ang founder ng KAPA upang itigil na ang operasyon lalong-lalo na ang pagtanggap ng investment, kabilang na ang pag-promote sa kanilang gawain.
Inaantay naman ngayon ng publiko ang magiging hakbang na gagawin ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kaugnay sa nabanggit na DILG order.