-- Advertisements --

Pinahihigpitan pa ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) ang pagpapatupad ng minimum public health standards (MPHS).

Ipinamamadali din ng ahensiya ang pagbibigay ng booster shots sa mga residente dahil sa banta ng pagkalat ng Omicron variant sa bansa.

Batay sa datos ng DOH, nasa 14 na ang kaso ng Omicron variant ang naitala sa bansa kaya nababahala ang DILG sa pagkalat nito sa pamamagitan ng community transmission.

Dahil dito nais ni DILG Secretary Eduardo Ano ang istriktong pagpapatupad sa health protocols gaya ng tamang pagsusuot ng face mask, physical distancing at palagiang paghuhugas ng kamay ng sa gayon maiwasan ang pagkalat ng virus.

Pinatitiyak ng kalihim sa mga LGU ang 100% vaccination rate ng lahat ng kanilang senior citizens o A2 priority group at ang lahat ng kanilang persons with comorbidities o A3 category.

Nais din ng kalihim ang pagbibigay ng booster dose sa kanilang mga constituents lalo na sa mga senior citizens at immuno-compromised individuals.

Inatasan din ni Sec Ano ang mga LGUs na palakasin ang PDITR strategies o ang Prevent-Detect-Isolate-Treat and Reintegrate at palakasin ang kanilang contact tracer at agad na magpatupad ng granular lockdown sa mga lugar na may nagpositibong residente.