Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga organizers ng community pantries na makipagtulungan sa mga pulis at local government units (LGUs) sa pagtatayo ng sarili nilang barangay-based initiatives.
Ito ay upang tiyakin na nasusunod ang mga umiiral na minimum health standards at safety protocols sa mga taong magpupunta sa community pantry.
Binigyang-diin ni DILG Sec. Eduardo Año ang mensahe na ito matapos mamatay ang isang matandang lalaki habang nakapila sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Naalarma umano ang ahensya sa nangyari dahil hindi raw nakipagtulungan ang kampo ng aktres sa barangay, gayundin sa Quezon City government at Philippine National Police (PNP) para sa crowd control.
Responsibilidad aniya ng organizer na magpatupad ng minimum health standards sa mga indibidwal na magtutungo sa itinayo nitong community pantry kaya dapat sa una pa lang ay nakipagtulungan na ito sa LGU.
Magsasagawa aniya ng imbestigasyon sa insidente ang PNP.
Hindi rin daw masabi ni Año kung sino ang dapat maging responsable rito hangga’t hindi pa nakukumpleto ang imbestigasyon.
Tiniyak naman ng kalihim na buo ang suporta ng DILG sa mga itinatayong community pantries sa bansa basta kailangan lang siguraduhin na magiging maayos ito.
Sa kabila nito ay kailangan pa ring sumunod ng mga organizers sa umiiral na batas at local ordinances lalo na para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng nakamamatay na virus.