-- Advertisements --

Muling nagpa-alaala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units na makipag-ugnayan sa national government bago pumasok sa isang kasunduan sa mga pharmaceutical companies kaugnay sa pagbili ng mga COVID-19 vaccine.

Ayon kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, pinapayagan ang mga LGUs na magkaroon ng independent negotiation sa mga pharmaceutical companies na kanilang gusto.

Giit ni Malaya, hiling lamang ng National Task Force Against COVID-19 na makipag-ugnayan muna sa kanila bago magpirmahan ng kontrata.

Aniya, mahigpit na ipinagbabawal na direktang ibibenta ng pharmaceutical companies ang bakuna sa mga LGUs.

Layon lamang nito na masiguro ang kalidad ng mga bibilhing bakuna, ang pamamahagi nito sa bansa at mahalaga na FDA approved ang mga vaccine.

Ang pahayag ni Malaysa ay bunsod sa desisyon ng pamahalaang lokal ng Cainta na itigil na ang negosasyon sa pagbili ng bakuna mula sa Chinese Pharmaceutical firm.

Ayon kay Cainta Mayor Johnielle Keith Nieto ayaw ng kaniyang mga constituents ang bakuna mula China.

Una nang iniulat ni Malaya na karamihan sa mga LGUs ay mas pinili ang bakuna mula sa AstraZeneca.

Kabilang sa mga LGUs na pumirma na ng kasunduan sa Astrazeneca ay ang mga siyudad ng Las Pinas, Mandaluyong, Makati, Muntinlupa, Navotas, Caloocan, Pasig, Quezon City, San Juan, Taguig, Valenzuela sa Metro Manila, Antipolo, Baguio, Dagupan, Vigan sa Luzon; Bacolod, Iloilo at Ormoc sa Visayas; Davao,Oroquita at Zamboanga sa Mindanao.