Hinikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na opisyal na mahigpit na ipatupad ang quarantine restrictions sa harap ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay DILG officer-in-charge (OIC) Bernardo Florece Jr., kung kinakailangan din ay maaaring palakasin pa ng mga local government units ang kanilang mga hakbang laban sa COVID-19.
Bagama’t batid aniya nila na maaaring napapagod na raw ang mga tao at maging ang mga tagapagpatupad ng batas sa mga umiiral na restriksyon, kailangan itong ipatupad upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Paglalahad ng opisyal, naglabas na raw sila ng memorandum sa mga LGUs na palakasin pa ang kanilang mga ordinansa upang mapigilan ang hawaan ng COVID-19.
Sa nasabing memorandum, inabisuhan ni Florence ang mga LGUs na magkaroon ng standardization sa mga ipapataw na kaparusahan sa mga paglabag sa minimum health standards.
Kamakailan nang iisyu ng Inter-Agency Task Force ang Resolution No. 101 kung saan nakasaad na hindi na required ang medical certificate, travel authority, RT-PCR test, at quarantine sa lahat ng babyahe na walang sintomas ng COVID-19.
Ngunit inilahad ni League of Provinces of the Philippines (LPP) president at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. na karamihan umano sa mga LGUs ang tutol sa pagtanggal ng travel authority at local health certificate.