Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units sa labas ng Metro Manila na pakilusin ang kanilang local price coordinating council (LPCC) para siguruhing nasusuri ang presyo ng mga bilihin.
Sa isang pahayag, sinabi ni DILG officer-in-charge Undersecretary Bernardo Florece Jr. na dapat umanong matyagan ng mga LGUs ang mga pampubliko at pribadong merkado, maging ang talipapa sa mga barangay upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto.
Binigyang-diin ni Florece na ang LPCC ang magsisilbing mata ng gobyerno para matiyak na walang mangyayaring panlalamang at pandaraya sa presyo ng mga bilihin, lalo na sa panahon ng pandemya.
“LPCC will be the eyes of the government in ensuring na walang panlalamang at pandaraya sa presyo ng mga bilihin. Mahirap na po ang pagsubok na ating pinagdadaanan bilang isang bansa at ng ating mga kababayan bunga ng COVID-19, huwag na po nating dagdagan,” ani Florece.
Dapat din aniyang magsagawa ng inspeksyon ang mga LPCC sa lahat ng mga pamilihan at bigyan ng kapangyarihan ang mga opisyal ng barangay na i-monitor ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kani-kanilang mga komunidad.
Maliban dito, dapat ding makipag-ugnayan ang mga barangay officials sa iba pang mga kinauukulang ahensya tulad ng Department of Trade and Industry upang maiwasan ang price increase.
Kung maaalala, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price cap sa baboy at manok sa loob ng 60 araw sa Kamaynilaan.
Batay sa Executive Order 124, hindi dapat lalampas sa P270 per kilo ang presyo ng kasim at pigue, at P300 naman sa liempo.
Ang manok naman ay hindi maaaring sumobra sa P160.
Kasabay nito, nanawagan din si Florece sa mga LGUs sa Metro Manila na tiyaking mahigpit na nasusunod ang ipinatupad na price ceiling.
“Umaaray na ang ating mga kababayan sa taas ng presyo ng mga bilihin partikular ang baboy at manok and we have to act on their complaints. We therefore direct our Metro Manila Mayors to comply with EO 124 signed by the President and ensure that prices of pork and chicken are regulated in their localities,” saad pa ng opisyal.