Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga punong barangay sa buong bansa na ipaskil sa mga pampublikong lugar sa kanilang komunidad ang listahan ng mga target beneficiaries para sa Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, ito raw ay para masiguro ang transparency sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng naturang programa.
“We want the process of identifying the target beneficiaries under the SAP to be transparent. Hence, we have directed all our punong barangays to post the masterlist of beneficiaries in strategic areas in their barangays so that the residents will also be informed if they will receive the said financial assistance from the government,” wika ni Año.
“Napakaimportante na ihayag ang listahan para maliwanagan din ang mga mamamayan at maintindihan nila na kailangang unahin ang pinakamahirap na pamilya na walang-wala na talagang mapaghuhugutan sa gitna ng krisis na ito,” dagdag nito.
Importante din aniya na isapubliko ang listahan ng mga target SAP beneficiaries dahil sa isusulong nito ang malinis, malinaw, at maayos na pangangasiwa sa SAP funds.
Iginiit din ng kalihim na mahalaga rin para sa mga punong barangay na gawin ang naturang hakbang para makapagbigay ang mga residente ng feedback kung sa tingin nila ay dapat silang mapasama sa listahan.
Una nang tiniyak ng DSWD na maaaring mag-request ng karagdagang funding ang mga local government units para maisama rin ang mga hindi kasama sa unang bugso ng SAP financial assistance.