Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga police units na kumpiskahin ang lahat ng mga ipinagbabawal na paputok.
Kasabay na rin ito sa nalalapit na Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon sa harap ng COVID-19 pandemic.
Maliban dito, sinabi rin ni DILG spokesman Usec. Jonathan Malaya na dakpin din ang sinumang susuway sa kautusan kung kinakailangan.
“The PNP is authorized to immediately confiscate illegal firecrackers and make arrests when necessary so the industry is advised to just follow the law,” saad ni Malaya.
Kabilang sa mga bawal na paputok ay ang piccolo, watusi, giant whistle bomb, bawang, Judas belt, super lolo, lolo thunder, atomic bomb, atomic bomb triangulo, pillbox, boga, goodbye Earth, goodbye bading, hello Columbia at goodbye Philippines.
Dagdag ni Malaya, dapat magsagawa rin ang pulisya ng mga inspeksyon sa mga manufacturing complex, warehouse, at processing area ng mga manufacturers at dealers ng mga paputok sa kani-kanilang reas of responsibility upang masigurong nasusunod ang mga safety guidelines.
Kaugnay nito, sinabi ni Senior Inspector Bayani Zambrano ng Bureau of Fire Protection na bawal ang anumang uri ng public fireworks display.
Patuloy din aniya ang kanilang information dissemination campaign para siguruhing naipapaalala sa publiko ang safety hazards kasunod ng selebrasyon ng Bagong Taon.
“Meron po tayong ‘Oplan Paalala: Iwas Paputok 2020’ campaign kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng paputok upang maiwasan ang pagkasunog ng kabahayan at ng ibang pang establisimyento,” wika ni Zambrano.
“Patuloy po tayong gumagawa ng information campaign bawat barangay pinapasok natin ‘yan. Umiikot ang mga bumbero natin upang ipaalala sa komunidad na dapat po tayong umiwas sa mga bagay na nagsasanhi ng sunog,” dagdag nito.