Umapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa sambayanang Filipino na “no politics, no partisanship” muna para maging matagumpay ang hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games na magsisimula na sa November 30 hanggang December 11.
Nilinaw ni DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya na panawagan ito sa lahat na magkaisa at ipakita sa mga foreign delegates ang hospitality ng mga Pinoy na kilala sa buong mundo.
Wala umano siyang ibang ibig sabihin sa kaniyang sinabi at hindi rin ito pasaring sa mga pulitiko.
Nanawagan ang DILG na magkaisa ang lahat dahil ang success ng SEA Games ay tagumpay din ng bansa at ng bawat Filipino.
Binigyang-diin din ni Malaya na ang tagumpay sa security preparations ng pulisya at militar ay naka depende din sa kooperasyon ng mga atleta, at mga local government units na nagho-host ng SEA Games.
Pinaalalahanan din ng kagawaran ang mga barangay officials na tumulong sa pagpapatupad ng peace and order nang sa gayon ay makamit ang target ng Philippine National Police na zero incident sa Sea Games.
Suportado din ng DILG ang pagsuspinde sa mga klase sa Metro Manila sa kasagsagan ng Sea Games para makatulong na maibsan ang trapik.
Nasa 19 na events kasi ang naka-schedule sa Metro Manila.