Nagbabala si Department of Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos na aabot hanggang P1-M ang magiging multa ng mga operator ng mga colorum na sasakyan.
Dahil dito, binalaan ni Abalos ang mga colorum na sasakyan na huwag nang lumabas dahil sinisiguro niyang mahuhuli ang mga ito at mai-impound.
Base sa Joint Administrative Order No. 2014-01, ang first offense sa mga mahuhuling colorum na bus ay pagmumultahin ng P1-M, habang ang mga van at truck naman ay may kaukulang multa na P200,000, nasa P120,000 naman ang multa ng sedan vehicles, at P50,000 para sa mga colorum na jeep.
Sa second offense naman ay maaari ng alisin ang Certificate of Public Convenience; idiskwalipika bilang operator; isama sa blacklist ang mga authorized units ng operator; at tanggalin ang rehistro ng mga sasakyan ng operator.
Ngayong araw nga ay nagkasundo ang Department of Interior and Local Government, Department of Transportation, at Metropolitan Manila Development Authority para bumuo ng Joint Task Force na susugpo sa mga colorum na sasakyan sa National Capital Region.
Ibinunyag din ni abalos na ipinag-utos sa kanila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na resolbahin na ang isyu sa mga colorum vehicles at gawin umano ang lahat para maibsan na ang traffic sa Metro Manila.
Sinabi pa ni Abalos na ang Joint Task Force ay magsasagawa rin ng road-clearing operations at mas papaunlarin pa ang traffic management at enforcement efforts. Ang mga member-agencies naman daw ay magkakaroon ng kapangyarihan na mag-isyu ng notices of violation at citation tickets.
Una na rito, nagpalabas na ang DILG ng Memorandum Circular 2024-26 na inuutusan ang mga Local Government Units na magpasa ng ordinansa na nagbabawal sa mga colorum operators na gumamit ng transport terminals.
Dapat din daw siguraduhin ng mga LGU na ang nag-ooperate na public transportation ay mayroong certificate of public convenience mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Ipinaliwanag naman ng kalihim na ang kaligtasan lamang daw ng mga pasahero ang gusto nilang mabantayan dito.
Nitong Pebrero lang ay iniulat ng Department of Transportation na naka-kolekta sila ng P19-M mula sa mga multa ng mga colorum na sasakyan sa buong bansa.