Nanindigan si Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. na walang kinikilingan ang pagpapatupad ng batas.
Ito ay kasunod ng kaniyang utos na ipaaresto ang kaniya mismong kamag-anak na sangkot sa pag-ooperate ng colorum na sasakyan.
Sa isang entrapment operation sa bahagi ng Araneta Avenue sa Cubao, Quezon City na pinangunahan ng Internal Security Group na personal protective detail ni Sec. Abalos, kasama ang mga tauhan ng MMDA at DOTr ay inaresto si alyas Jaz Abalos na nagpakilalang pamangkin ng kalihim na driver naman ng isang colorum na passenger van at nagpakita rin ng isang pekeng driver’s license.
Batay din sa naging imbestigasyon ng mga otoridad, naniningil ng Php200 na pamasahe ang suspek sa kaniyang colorum na sasakyan Para maghatid ng mga pasahero mula Cubao, QC patungong Laguna.
Dahil dito ay nahaharap siya ngayon sa patong-patong na kaso ng falsification of public documents with conspiracy, estafa, resistance, disobedience, at light threat.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager for Operations, Asec. David Angelo Vargas, sinubukan pang makipag-areglo ng nagpakilalang pamangkin ni Abalos dahilan kung bakit niya tinawagan ang kalihim Para sa kaukulang berepikasyon at dito na lumabas na ang naturang suspek ay isang malayong kamag-anak ni Sec. Abalos.
Samantala, kasunod nito ay binigyang-diin naman ni Sec. Abalos na hindi niya kukunsintihin at walang kama-kamag-anak sa pagpapanagot sa sinumang gumagawa ng ilegal na aktibidad at paglabag sa batas.