LEGAZPI CITY – Inaasahan na ang pagdating ni Interior Secretary Eduardo Año sa lungsod ng Legazpi kasabay ng mangyayaring meeting sa pagsulong ng localized peace talks sa darating na Agosto 19 hanggang 20.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Interior and Local Government (DILG) Bicol Director Atty. Anthony Nuyda, magtitipon ang nilikhang Task Force Katoninongan asin Kauswagan upang mabigyang-daan ang komprehensibong pagtalakay sa Executive Order 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtatapos sa problema sa insurhensiya.
Magsisilbing venue rin umano ito sa pag-alam sa mga serbisyong dapat na maibigay sa mga barangay na nasasakupan ng bawat lokal na pamahalaan.
Nilalayon ng mga itong mapagtuunan ng pansin ang mga kababayan lalo na ang mga nasa liblib na lugar na tipikal umanong nahihikayat ng rebeldeng grupo sa armadong pakikibaka.
Maliban kay Año, inaasahan rin ang pagdalo ni Informations and Communications Technology Secretary Gringo Honasan.
Lalahukan ang naturang aktibidad ng nasa 400 na mga opisyal sa buong Bicol.