-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang kahalagahan ng pagtutok sa nutrisyon ng mga bata, lalo na ang mga mag-aaral.

Ayon kay Abalos, ito ang magsisilbing susi para maka-abot sila ng mas maayos na academic performance, at maiwasan ang pagkabansot sa mga bata.

Dahil dito ay hinimok ng kalihim ang lahat ng mga nutrition advocates, local government units, NGOs (non-government organizations), at iba pang stakeholders na magtulungan sa implementasyon ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023-2028.

Ang naturang action plan ay siyang nagsisilbing framework at roadmap ng bansa para malabanan ang malnutrisyon.

Inihalimbawa ng kalihim ang naging hakbang ng Mandaluyong City LGU na nagpatupad ng akmang mga programa para malabanan ang malnutrisyon sa buong syudad, kasama na ang monitoring sa pagkabansot ng mga bata.

Ito aniya ay nagawa sa pamamagitan ng pagtutulngan ng ibat ibang sektor kung saan tinutukan nito ang pagkain, nutrisyon, at iba pang salik sa development ng mga bata.

Ayon kay Abalos, mula sa pang-17 na pwesto sa Metro Manila sa nutrition service delivery noong 1999, naabot ng syudad ng mandaluyong ang Nutrition Honor Award in 2016, pinakamataas na pagkilala sa mga LGU na may malaking nagawa sa larangan ng nutrisyon.

Maliban sa pagiging kalihim ng DILG, umuupo rin si Abalos bilang vice-chairman ng National Nutrition Council (NNC).