Umaasa si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr, na maipapasakamay na sa Pilipinas si dating Congressman Arnolfo Teves Jr.
Ito ay kasunod ng matagumpay na operasyon laban kina Alice Guo, ang dating alkalde ng Bamban na ilang buwan ding pinaghahanap ng mga otoridad, at dating puganteng si Apollo Quiboloy.
Ayon kay Abalos, si Teves ang ikatlo sa listahan ng pamahalaan na maisa-kustodiya at mapaharap sa batas, matapos ang ilang buwan na rin nitong pagtatago mula nang pinangalanan siyang utak ng pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Patuloy aniyang ginagawa ng bansa ang lahat ng paraan para maibalik na dito sa Pilipinas ang dating mambabatas na una nang naka-house arrest sa Timor Leste.
Si Teves ay nahaharap sa sa patung-patong na kasong kinabibilangan ng murder, frustrated murder, attempted murder kaugnay pa rin sa madugong pamamaslang sa grupo ni Degamo noong Marso 4, 2023 sa bayan ng Pamplona, Negros Oriental.