Tiniyak ni DILG spokesperson Usec Jonathan Malaya na mananagot ang mga sangkot na pulis sakaling mapatunayang may pang-abuso nga na nangyari kaugnay sa pagkamatay ng isang quarantine violator na sapilitang pinag-pumping ng 300 beses.
Sinabi ni Malaya, nang kanilang mabatid ang insidente, agad nakipag-ugnayan ang DILG sa local government unit ng General Trias.
Ayon kay Malaya, batay sa kanilang report ang namatay na quarantine violator ay inaresto ng mga barangay at saka nila tinurn-over sa pulisya.
Siniguro ni Malaya na kung meron mang pagkukulang ang kapulisan, mananagot ang mga ito sa batas.
Sa ngayon, gumugulong na ang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng isang Darren Manaog Penaredondo, 28.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Region 4A Calabarzon regional police director B/Gen. Felipe Natividad, kaniyang sinabi, ongoing na sa ngayon ang imbestigasyon na kaniyang ipinag-utos para mabatid ang katotohanan sa likod ng insidente.
Kinukuhanan na rin ng pahayag ang mga testigo hinggil sa insidente.
Sinabi ni Natividad, naka depende sa resulta ng imbestigasyon ang gagawin nilang susunod na hakbang.
At kung mapatunayang may pananagutan ang mga sangkot na pulis, mananagot ang mga ito sa batas.
Hiling naman ni Natividad na hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon.
Aniya, sa lalong madaling panahon dapat magkaroon na ng resulta ang imbestigasyon.
Una nang itinanggi ng chief of police ng General Trias na si Police Lt. Col. Marlo Solero na wala silang ipinataw na pisikal na parusa laban sa mga lumalabag sa health and curfew protocols ngunit nagbibigay lamang sila ng lectures.
Ani PNP spokesperson B/Gen. Ildibrandi Usana, sisimulan ng CALABARZON PNP ang imbestigasyon sa sandaling may lumutang na mga testigo.
Ayon naman kay Solero walang record na may nahuli silang Darren Manaog noong April 1, pero mayruon isang Darren Penaredondo na nahuli sa Barangay Tejero.