LEGAZPI CITY – Nag-iikot na ngayon ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga primary at secondary roads ng mga lokal na pamahalaan sa Bicol.
Ito ay matapos ang pagpaso ng September 29 deadline para sa road clearing operations sa mga obstructions na sinundan ng isang linggong validation.
Ayon kay DILG Bicol Director Atty. Anthony Nuyda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hanggang bukas, Oktubre 4 ang validation kung saan nakalatag ang mga teams sa lungsod ng Iriga, Sorsogon at Legazpi maging sa Pili, Camarines Sur.
Matutukoy aniya sa hakbang ang efforts ng mga LGU at barangay sa loob ng 60 araw ng paglilinis sa sa sidewalk at kalsada.
Bawat LGU ang may isusumiteng report sa validating team na iko-consolidate bago ipadala sa DILG central office.
Pagbubunyag pa ni Nuyda na may mga LGU nang nanganganib na makasabay sa listahan ng mga posibleng masuspinde o matanggal sa pwesto ang local officials na bigo sa kampanya.