Pinabulaanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pahayag ng isang teachers’ group na pinapaboran umano ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga unipormadong hanay kaysa sa mga guro sa pampublikong mga paaralan ukol sa usapin ng pagtataas ng sahod.
“[T]he insinuation of the Alliance of Concerned Teachers (ACT) that the President favors the police and other uniformed personnel over our public school teachers is entirely misplaced and is without basis. The administration recognizes the contribution of our teachers as stewards of our youth’s future as much as we take cognizance of the hard work of our uniformed sector in protecting and securing our communities,” wika ni DILG Sec. Eduardo Año sa isang pahayag.
Paliwanag pa ni Año, unang dinagdagan ang sweldo ng mga pulis at unipormadong hanay bilang bahagi ng pangako ni Pangulong Duterte noong kampanya, maliban pa sa kanilang mga ginagawang hakbang laban sa kriminalidad, iligal na droga, insurhensya at pagpapatibay ng seguridad ng bansa.
Inamin din ng kalihim na hindi magiging madali ang pagtataas sa sahod ng mga guro, dahil sa lumaki ang bilang ng mga ito sa tinatayang 830,000, kumpara sa 170,000 police officers.
Giit ni Año, kailangan umano ng maingat na konsiderasyon sa nasabing paksa dahil sa maaaring impact na iwanan nito sa mga nagbabayad ng buwis.
“Nonetheless, the President has spoken and the administration is committed to deliver a pay hike to our public school teachers but it cannot be done overnight as claimed by the ACT. The Cabinet is now studying and looking for potential fund sources for the salary increase as directed by the President,” ani Año.
Hinimok din ng ahensya ang ACT na sa halip na batikusin ang gobyerno, humanap na lamang daw ang mga ito ng paraan upang mapabuti ang paghahatid ng edukasyon sa mga estudyante.