KALIBO, Aklan — Hindi sanay ang karamihan sa mga Italyano sa mistulang biglaang pagbagal ng takbo ng kanilang pamumuhay lalo na sa Milan, Italy na siyang sentro ng pananalapi at fashion dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Bombo International Correspondent Armie delos Santos, tubong Brgy. Mataphao, New Washington at kasalukuyang nagtatrabaho sa Milan, Italy na kasunod ito ng pansamantalang pagsasara ng dinadayong Duomo Cathedral at La Scala opera house.
Kahit aniya ang mga abalang bars, kapehan at restaurants ay biglang tumahimik dahil alas-6:00 pa lamanng ng gabi ay sarado na.
Kanselado rin umano ang mga sinehan, teatro , pampubliko at mga pribadong paaralan at unibersidad sa lugar.
Ayon pa kay delos Santos na nabawasan rin ang oras ng pagtrabaho ng mga empleyado sa mga opisina o sa bahay na lamang pinapatrabaho upang maiwasan ang pagsiksikan sa mga terminal, bus at trams.
Binawasan rin ang biyahe ng mga tren papasok at palabas ng Milan.
Ang kumikita aniya ngayon ng malaki sa Milan ay ang mga supermarkets at mga chemists dahil sa panic buying ng mga pagkain at face masks.
Sa kabila nito patuloy ang pagkayod ng mga OFW sa lugar at mahigpit na sinusunod ang tagubilin ng Italian government upang hindi matamaan ng nakamamatay na virus.
Ang Italy ay nakapagtala na ng 11 patay dahil sa COVID-19.