LEGAZPI CITY – Nagbaba ng kautusan ang Dioceses ng Legazpi sa pansamantalang pagsuspendi ng lahat ng religious activities sa Diocesan Shrine of the Divine Mercy, Monastery of the Carmelite Nuns of the Holy Trinity at life-sized Station of the Cross sa Kawa-Kawa Hill sa Ligao City.
Nakaugalian na ng libo-libong pilgrims at turista na hindi lamang mula sa Albay, na dumayo sa naturang lugar bilang bahagi ng paggunita sa Semana Santa.
Batay sa Diocesan Circular No. 6 series of 2021 na pirmado ni Bishop Joel Baylon, pag-iingat lamang ito upang hindi makaambag ang mahalagang okasyon sa patuloy na pagdami ng COVID-19 cases.
Paglilinaw pa ni Baylon na kahit ang pribadong pananalangin o simpleng pagbisita sa pilgrimage sites ay ipinagbabawal.
Imbes, inirerekomenda na lamang ng Simbahan na isagawa ang Station of the Cross kasama ang pamilya sa bahay, at sabayan ng taimtim na pananalangin.
Maaari rin aniyang dumalo sa online Via Crucis o sa misa sa mga parokyang nasa 50% capacity rin sa kasalukuyan.