Lumakas at isa nang ganap na tropical storm ang Bagyong Dindo habang binabaybay nito ang karagatan sa silangan ng Pilipinas.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 500 kms silangan hilagang-silangan ng Basco, Batanes bandang alas-10:00 ng gabi.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging papalo sa 65 kph at pagbugsong aabot sa 80 kph.
Bahagya ring bumilis ang nasabing sama ng panahon habang tinatahak ang direksyong kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Sa kabila nito, sinabi ng weather bureau na hindi pa rin itinataas sa alinmang parte ng bansa ang tropical cyclone warning signal.
Nananatili pa rin kasing malayo sa kalupaan ng bansa ang bagyo.
Posible pa aniyang lumakas ang bagyo at maging severe tropical storm sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Inaasahang lalabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga.