Pinakawalan na ng Pakistan ang Indian fighter pilot na nadakip matapos na mapabagsak ang sinakyan nitong eroplano sa pinagtatalunang teritoryo ng Kashmir.
Ito’y dalawang araw matapos itong dukutin kasunod ng pambihirang aerial engagement sa pagitan ng dalawang bansa.
Ipinasakamay sa mga Indian officials si Wing Commander Abhinandan Varthaman nitong Biyernes ng alas-9:00 ng gabi (local time) sa bahagi ng Wagah-Attari border.
Ilang minuto naman bago ito palayain, sinabi ng piloto sa Pakistani TV na “very impressed” daw ito sa Pakistan army.
Nitong Huwebes, sinabi ni Pakistani Prime Minister Imran Khan, ang kanilang pagpapalaya sa piloto ay isang “peace gesture” sa India.
Kaugnay nito, si Varthaman ay itinuturing na bayani sa India kung saan sinabi ni Indian Prime Minister Narendra Modi na ipinagmamalaki umano ng buong bansa ang ipinakita nitong “exemplary courage.” (BBC/ Al Jazeera)