Matagumpay na nailigtas ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Plaridel, Bulacan, ang isang Japanese national na dinukot habang naririto sa Pilipinas.
Itinuturing na mastermind sa pagdukot sa biktimang Hapon na nakilalang si Yuji Nakajima, 32, ay ang mismong kaibigan at business partner nito na nakilalang si Yusuke Obara.
Ayon kay PNP-AKG director S/Supt. Glen Dumlao, batay sa kanilang imbestigasyon, dumating sa bansa ang biktima na si Nakajima at ang suspek na si Obara noong March 22, 2018.
Habang March 24, 2018 ay bumalik na ng Japan si Obara.
“Investigation conducted ay nafind out natin na parang sinubo nung kaibigan nya. Parang business partners sila andallegedly nagkaroon sila ng rift sa business,” wika ni Dumlao.
Sinabi ni Dumlao na habang naka-check in sa hotel ang dalawa ay bigla na lamang tinawagan ang biktima ng nagpakilalang magkapatid na Reyes at kakausapin umano siya ni Takeshi.
Ngunit dahil hindi kilala ni Nakajima ang magkapatid na Reyes, tinawagan nito si Obara at sinabi na sumama siya kaya dinala ng mga suspek ang biktima sa Bulacan hanggang sa hindi na pinayagan pa na makaalis.
Dito na umano nagsimula ang negosasyon kung saan tinawagan ang pamilya ng biktima para humingi ng ransom.
Inihayag din ni Dumlao na mismong ang Japanese Embassy sa Maynila ang nakipag-ugnayan sa PNP-AKG ukol sa insidente.
“Through sa tawag nila sa pamilya at Japanese Embassy doon na nagkaroon kami ng vital information,” dagdag pa ni Dumlao.
Ibinunyag din ni Dumlao na ang mga suspek ay may mga decals at IDs ng National Bureau of Investigation (NBI).
Inamin umano ng isa sa mga suspek na dati itong NBI agent, bagay na hindi pinaniniwalaan ng AKG.
Ipirinisinta sa media ang tatlong suspeks na sina Robert Reyes, Reggie Reyes, at Miyashita Takashi, isang Japanese national na isang wanted person.
Napag-alaman na September 11, 2015 kinansela na ang passport ni Takashi, residente ng Koiwa Edogawa, Tokyo at kasalukuyang nakatira sa East Rio, Asure Condominium, Paranaque City.
Sa ngayon dalawa pang Filipino ang at large na sangkot sa kidnapping kay Nakajima.
Hindi naman masabi ni Dumlao kung magkano ang ransom na hinihingi ng mga kidnappers.
Inihayag din ni Dumlao na isang Vergel Lumague, pinsan ng magkapatid na Reyes, ang tumawag sa PNP-AKG dahil nakapansin ito nang may mga kakaibang nangyayari.