-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kaagad na isinailalim sa debriefing ang mayoral candidate ng Tagbina, Surigao del Sur na si Vice Mayor Antonio “Tony” Adlao.

Ito’y matapos itong mai-turnover ng Agusan del Sur-Police Provincial Office (PPO) sa Surigao del Sur-PPO.

Kung maaalala, kaagad na ini-report ng pamilya ng bise mayor sa pulisya nang hindi na nila nakita pa sa kanilang farm house ang opisyal noong magsimula na ang local campaign period nitong Marso 25.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni P/Maj. Dorothy Tumulak, tagapagsalita ng Police Regional Office-13, na natagpuan sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur si Adlao pasado ala-1:50 kahapon ng madaling araw nang ang isang concerned citizen sa Purok-8, Kalingayan sa Barangay Consuelo sa Bunawan ay humingi ng police assistance.

Kaagad namang rumesponde at dito na narekober ang vice mayor na nasa mabuti namang kalagayan at ngayo’y inaalam ang dahilan ng kanyang pansamantalang pagkawala.

Inamin naman ni Major Tumulak na ang bayan ng Tagbina ay isa sa mga lugar na tinututukan ng pulisya ngayong nalalapit na eleksyon dahil sa init na takbo ng politika mailban pa sa presensiya ng mga New People’s Army.