-- Advertisements --

Hinimok ng Diocese of Antipolo ang mga mananampalataya na makiisa sa gaganaping taunang Alay Lakad ngayong 2025.

Kung saan iniimbitahan ang mga Katoliko na ipakita ang kanilang malalim na pananampalataya sa paglahok ng naturang gawain.

Sa isang panayam, ibinihagi ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang kanyang paanyaya sa mga Pilipino na sumali sa naturang paglalakad ng 17-km mula Metro Manila tungo sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa Rizal province.

Magsisimula aniya ito sa ganap na ala-sais ng gabi sa darating na Maundy Thursday na posibleng umabot ng ala-sais ng umaga kinabukasan ng Biyernes Santo.

Tinatayang ito ay kalahating araw na paglalakad na may tagal ng 12-oras.

Dagdag pa niya, isa sa mga maibibida raw sa taong ito ay ang mitihiin nilang maging world record ito na maitanghal bilang ‘world’s largest gathering for a walking spiritual pilgrimage in 12 hours’.

Sinabi rin ng naturang bishop na ang pagkamit sa bagong record na ito ay hindi lamang pagpapakita ng ispiritualidad ng pilgrimage bagkus upang ipakilala sa buong mundo ang kultura at tradisyong natatangi sa Pilipinas.

Noong nakaraang taon, tinatayang nasa 7.4 milyon pilgrims ang nakiisa sa Alay Lakad na bumisita sa altar ng Antipolo Cathedral at nag-alay ng kani-kanilang mga panalangin kasabay ng paghahagis ng barya bilang tulong asiste sa mga gawain ng simbahan.

Nakakolekta umano ang simbahan noong Alay Lakad 2024 ng higit 100,000 Piso na siya namang ginamit sa pagpondo ng konstruksyon ng Chapel of Our Lady of Antipolo Tanay Rizal.

Kaya naman dahil dito, inaasahan ng Diocese of Antipolo na mas marami ang makikilahok sa Alay Lakad ngayong taon.